Nasa lugar at panahon tayo na kung saan nanganganib na tuluyang ma-isantabi o kaya'y
malimutan ang paggamit ng ating sariling wika, ang wikang Pilipino. Dahil dito, minarapat ng mga
kasapi ng Hiyas ng Bulakan na itaguyod ang kahalagahan at kagandahan nito. Naniniwala ito na ang
wika ang siyang bantayog at sisidlan ng ating kultura na siya namang pamanang "hiyas" ng ating
lahi. Bagamat hindi natin magagamit ito sa bawat larangan ng ating buhay, lalo na't kung tayo ay
nasa isang banyagang bansa, napakahalaga pa rin nito sa ating buhay sapagkat ito ang nagbibigay
sa atin ng identidad o pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Kaya nga't minabuti ng Hiyas ng Bulakan na pagyamanin ang lahat ng mga bagay na magtataguyod ng
ating wika, tulad halimbawa ng kundiman. Ito ay isang uri ng mga awiting itinitik sa wikang
Pilipino at kadalasang patungkol sa pag-ibig. Makikilala ito sa maamo at banayad nitong daloy at
maka-lagot-hiningang dugtungan. Ang kundiman, na galing sa wikang Tagalog at may tuwirang
kahulugan na "kung mangyari man ito", ay siyang naka-sanayang pamamaraan ng pang-haharana sa
ating bansang Pilipinas.
Sa pamamagitan ng kundiman ipinapahayag natin ang ating masiyahing ugali at magkunminsan ay
upang ibunyag ang pangako ng puso sa bawat talatang nakatitik doon. Sagitan nito, naipapahayag
natin ang lahat ng uri ng pasakit at kagandahan ng pag-irog na nadarama ng bawat nakikinig. At
dahil sa akit nitong taglay, naging mahalagang kasangkapan din ito upang ipadama natin ang ating
katapangan, kagitingan at pagmamahal sa ating bansa sa gitna ng mapangaping mga dayuhan o
pamunuan.
Kung gayon, sa tuwing tayo ay makikinig ng kundiman, alalahanin natin na ito ay hindi lamang
isang simbulo ng ating sariling wika at kultura, ito rin ay simbulo ng kalayaang magkaroon ng
sariling identidad o ng natataning tatak bilang mga Pilipino.
|