“Napinsala ang iyong mga
ugat sa may sakong”
iyan ang wika ng aking
mangagamot matapos ang
kanyang pagsusuri sa
aking dinaramdam nang
minsan ay dumaing ako na
masakit ang aking sakong.
Nabanat diumano ang aking
litid sa may bandang
sakong –ang tinatawag na
sakong ni Aquiles (Achilles)
– isang mandirigmang
walang kamatayan sa
Iliad na kathambuhay
ni Homer. Hindi
siya tinatablan ng
sandata maliban lamang
kung sa kanyang sakong
siya tatamaan. Ito ang
pinakamahinang bahagi ng
kanyang katawan na naging
dahilan ng kanyang
pagkagupi at pagkamatay
matapos itong mahagip ng
pana ni Paris –kanyang
kalaban na tulad niya, ay
isa ring mandirigma.
“Maaaring nakuha mo sa
iyong pagtakbo”
dugtong pa niya.
Tumatakbo kasi ako ng mga
15 hanggang 20 kilometro
tuwing ikalawang araw. O
maaari ding nakuha ko sa
pagsuot ng sapatos na
mababa ang takong,
sapantaha naman ng isa ko
pang mangagamot. Marahil
nga ay totoo dahil may
dalawa akong bagong
sapatos na isinuot ko
nang magkasunod na araw
at tunay ngang mababa ang
kanilang mga takong.
“Iwasan
mo ang pagsusuot ng
mabababang sapatos”
ang kanyang mungkahi.
Napataas ang kilay ko sa
kanyang sinabi. Pinigilan
ko ang mapangiti. Aha,
e di tuloy ang ligaya!
Hindi ko pala dapat
itapon ang aking mga
sapatos na matitirik ang
takong – ang aking mga
stilletos. Iyan pa
naman ang aking pangamba.
Parang ito na ang wakas
ng maliligayang araw.
Hindi naman pala.
Salamat Po, Doktor!
Pakiramdam
ko ay tagos sa buto.ang
iniksyon na ibinigay sa
akin ng aking mangagamot
na ortopediko. Pilipina
ang kanyang katuwang sa
kanyang klinika. Parang
bang isang nanay na
nagsasabing hindi ako
dapat matakot, hinawakan
nito ang aking kamay
habang tinuturukan ako ng
iniksyon sa litid sa
sakong ng aking
ortopediko. Hindi ako
magtataka na siya naman
ang kinakailangang
magpasuri dahil maaaring
siya ay napilayan, kung
hindi man nadurog ang
buto ng kanyang mga
daliri, dahil sa higpit
ng aking pagkakakapit sa
kanyang kamay.
Mahigit
din namang dalawang lingo
na hindi ako makalakad
nang walang tungkod. Sa
simula ay pinilit kong
lumakad nang walang gabay
subalit nagmistula naman
akong bagong tuli sa mga
Pilipinong nakakakita sa
akin kung kaya napilitan
akong gumamit ng baston.
Nagmukha naman akong
bulag dahil sa aking suot
na salaming madilim.
“Para
kang si Ray Charles”,
sabi sa akin ng isang
kaibigan. Pihado akong
hindi ito pamumuri, kahit
na nga ba tatak mamahalin
ang salamin kong de-kulay.
Nagkataon kasing binili
ko ito isang araw bago
ako napilay. Wala akong
pakialam! Mabuti nga at
walang makakakilala sa
akin sa lansangan. Ang
pangamba ko lamang ay
baka ako mapagkamalang
nanghihingi ng limos kung
kaya nagsikap akong
magsuot lagi nang maayos
upang hindi ito mangyari.
Nangyari
pa rin! Hindi naman
marahil pulubi ang
pagka-akala sa akin,
subalit ganoon pa man, ay
napagkamalan din -bulag
na, pilay pa!
Sumakay
ako sa U-Bahn
upang magtungo sa
bahay-pahingahan ng aking
kaibigan. Tumayo ako nang
malapit nang dumating ang
sasakyan sa himpilan na
kung saan ako dapat
bumaba. Bigla akong
nagulat nang isang
matandang babaeng
Austriaka ang sinabayan
ako nang pagtayo at
hinawakan ako sa baraso
upang alalayan.
“Dahan-dahan”,
ang sabi niya sa akin sa
wikang Aleman. “O,
bukas na ang pinto,
maaari ka nang lumabas”,
siya pa rin habang
patuloy niya akong
inaalalayan sa pagbaba.
Sa aking pagkabigla ay
tanging “Maraming
salamat” na lamang
ang aking nabigkasi.
Sinamahan niya ako
hanggang sa eskaleytor at
sinabihan akong unahin ko
muna ang aking kanang
paa.
“Isang
paa muna…ngayon na,
ngayon na! Hupala!”
habang hawak pa rin niya
ang aking baraso. Labis
naman ang aking
pasasalamat. Hindi ko
tuloy masabi sa kanya na
hindi ako bulag.
“Ako ay
pilay, nauunawaan mo ba?
Pilay, hindi bulag!”
nais kong isigaw subalit
hindi ko naman sinabi.
Nagmamalasakit na nga ang
tao sa akin ano?
Pinabayaan ko na lamang.
Sige, paligayahin ko na
lang siya. Ito na ang
pagkakataong maipakita ko
ang aking pagiging
magaling na artista.
Walang sinabi si Charito
Solis sa pelikulang
Pulubi, o ni Nora
Aunor sa Paru-parong
Itim!
Nang
nakalabas na kami ng
himpilan ay tinanong pa
niya ako kung kailangan
ko ng tulong hanggang sa
lilipatan kong sasakyan.
Hindi na kailangan
ang sagot ko
Nakakabanaag naman ako
kahit paano,
pagsisinungaling ko pa.
Sinabihan pa niya akong
mag-ingat bago niya ako
nilisan.
Kailangan
ko nga palang bumili ng
tinapay kung kaya
nagtungo ako sa
panaderyang nasa loob ng
himpilan. Bigla akong
napahinto at umurong
palabas. Napabilis ang
lakad bagama’t iika-ika.
Doon sa loob ng panaderya
ay nakapila ang matandang
tumulong sa akin. Baka
pukpukin ako ng kanyang
sariling tungkod kapag
nakita niya akong
tinuturo ang nais kong
bilhing tinapay.
...Badik Castillo
|