Ika-siyam-at-kalahati ng
umaga nang gulatin ako sa
aking pagkakatulog ng
walang galang na kiriring
ng aking telepono. Parang
mabibiyak ang aking ulo
nang ako ay bumalikwas
mula sa higaan upang
sagutin ang kung sino
mang lapastangang
kaluluwa na walang magawa
sa ganuong sandali kung
hindi ang mangambala sa
oras na natutulog pa ang
mga mortal na katulad ko,
na hindi umuuwi ng bahay
hanggang may nakikitang
dilim sa lansangan tuwing
gabi ng Sabado, at hindi
hahapay-hapay sa walang
patumanggang pagsasaya
(sa pagtungga , sa
maikling salita, kasama
ng mga kaibigan). Hala,
tagay pa!
At sa
araw pa naman ng Linggo!
Maaaring isang malungkot
na kaluluwa na nagmukmok
ng mag-isa sa bahay ng
nakalipas na Sabado ng
gabi, kung kaya’t
naghahanap ng mabubulahaw.
Parang nagmumula sa
bariles ang tinig ko –
pati ako ay nagulat –
nang sagutin ko ang
tumatawag. Ang pagkayamot
ko ay napalitan ng
pagkamangha – anak ka
ng magaling, sabi ko
sa aking sarili at
pinilit kong tumawa –nang
makilala ko kung sino ang
nasa kabila ng kawad. Ang
kasama ko sa trabaho. May
usapan kaming magkikita
sa bahay nila sa pagitan
ng ika-siyam at ika-sampu
ng umaga upang kunin ang
mga itik na ibinibigay
niya sa akin, na ibibigay
ko naman kay Roman – ang
Kalihim ng Kalusugan ng
aming samahan: ang Hiyas
ng Bulakan.
Dapat ay
nuong nakaraang linggo pa
namin kinuha ang mga
nasabing itik subalit
nagkasakit daw ang
kanyang asawa, wika ng
may ari, kung kaya
ipinagpaliban namin sa
sumunod na linggo. At
dapat din ay nuong pang
nakaraang taon naibigay
sa amin subalit nagbago
daw ang isip ng kanyang
asawa kung kaya unawain
ko na lamang daw. Sayang,
matagal na sanang
naglalako ng balut si
Roman! Balak daw niyang
padamihin. Parang
nakikini-kinita ko si
Roman na nagpapastol ng
mga itik sa ilog ng
Danubyo.
“Sige,
darating kami agad,”
sabi ko sa tumawag kahit
hindi ko pa tiyak na may
nakuhang sasakyan si
Roman. Sa huling
pag-uusap namin ay
pinaalam ko kay Roman na
maaari na naming kunin
ang mga itik. Sa
Essling –isang
distrito ng Vienna–
nakatira ang may ari at
hindi kalayuan kung saan
naman nakatira si Roman.
Naabisuhan na raw niya si
Henry –ang Kalihim ng
Sundo’t Hatid ng Hiyas ng
Bulakan.
“Naku, tulog pa si
Michael at kadarating-dating
pa lamang mula sa
bakasyon,” tugon ni
Roman nang tawagan ko
siya. Si Michael ay anak
ni Roman. Inang ko
naman, naiba yata ang
ihip ng hangin, ang
nasa isip ko sa
binanggit niya subalit
pinaalala ko na lamang sa
kanya na si Henry ang
sinabi niyang tutulong sa
amin. Tatawagan daw niya
at aabisuhan na lamang
ako makalipas ang ilang
sandali.
“Tinatanong ni Michael
kung saan tayo magtatagpo
dahil dadaanan ko pa si
Edgar upang dalhan ng
usbong at bulaklak ng
kalabasa,” ang wika
ni Roman sa akin nang
makailan nga lang sandali
ay tinawagan ako. Ha?
Nagtaka ako at si
Michael na natutulog pa
daw ang siya na rin
palang sasama. Hindi ko
na tinanong kung ano ang
nangyari kay Henry. Hindi
ko dapat kalimutan na
ganyan talaga, laging
naiiba ang ihip ng hangin
kaya dapat ay lagi akong
handa sa mga hindi
inaasahang magaganap.
Matapos
naming idaan kay Edgar
ang isang bugkos na
sariwang-sariwang talbos
at bulaklak ng kalabasa
ay tumuloy na kami sa
Essling. Doon ay
naghihintay na ang may
ari ng itik. Matapos kong
ipakilala si Roman ay
sinimulan nang hulihin ng
may ari ang mga itik.
Dalawang lalaki pala at
isang inahing babae, wika
ni Roman. Ha?
Paano kaya niya nalaman.
Mababa raw ang puwit ng
babae at nangangahulugang
nangingitlog na o malapit
nang mangitlog. Ganuon?
Aba, e marami akong
kilalang babae na bagsak
ang puwit!
Malayang
nakakawala sa malawak na
halamanan ang mga itik
kung kaya kinailangan
pang papasukin sila sa
kanilang sariling bahay
upang madaling mahuli.
Naniniwala ako na alagang
alaga ng may ari ang mga
itik. Nakakalungkot
isipin subalit mas malaki
pa ito kung ihahambing sa
mga bahay ng maraming
Pilipino na gawa lamang
sa karton. Ang pagkain ay
mga butil ng mais na may
kasama pang ibang mga
mineral na inaakalang
kailangan ng mga itik.
May sapat ding bunton ng
ginikan sa isang sulok
upang magsilbing sapin sa
lupang sahig ng kulungan
at nang hindi malamigan
ang mga ito pagsapit ng
dilim. Mabuti pa ang
mga itik na ito,
nasabi ko sa aking sarili.
Ilang libong kababayan ko
ang walang matulugan at
walang makain. Marami din
naman ang masisiyahan,
kahit sa ilang sandali
lamang, kung kakatayin ko
ang mga itik na ito at
ibigay sa mga nagugutom
na tao sa Pilipinas. Ang
lupit naman ng iniisip ko.
Kaya siguro nagwawala ang
mga itik at pinahirapan
ang may ari sa paghuli sa
kanila.
“Tiyakin mong aalagaang
mabuti ng kaibigan mo ang
mga itik, kung hindi ay
hindi ko na lang ibibigay
sa inyo.” Iyan ang
samo sa akin ng may alaga
ng mga itik bago siya
sumang-ayon na ipamigay
ang mga ito.
Naku,
mahilig pa namang magluto
ng kalderetang bibi si
Roman,
naisa-isip ko.
“Naku,
huwag kang mag-alala at
paparamihin daw ng
kaibigan ko ang mga ito,”
ang
paniniyak ko naman sa
kanya. Upang
laging may pulutang
kalderetang bibi tuwing
may tunggaan,
nais-nais ko nang
idugtong.
Matapos
ilagay sa malaking kahon
na binutasan para may
hingahan ang mga itik, ay
isinakay na namin ang mga
ito sa likod ng sasakyan
ni Michael. Mapalad na
mga itik. Naka-BMW pa.
Ang mga batang iskwater
sa Maynila, sa kariton
lang; ang mga ito pa ang
nagtutulak.
Wala pa
akong bagong balita mula
kay Roman tungkol sa mga
itik buhat nang
maghiwa-hiwalay kami
nang araw na iyon.
Nagkasakit daw. Baka kaya
hindi natunawan. Ayaw
kong isipin kung ano ang
kinain.
Pagdating namin sa kanila
ay ipinakita lamang niya
sa akin ang balong walang
tubig na pangsamantalang
gagamitin niyang kulungan
ng mga itik. Puputulan
daw muna niya ng mga
pakpak upang hindi
makalipad. Naku, kung
malalaman lamang ng
dating may alaga ang
naghihintay sa mga itik
niya. Balak naman
daw niyang igawa ng
sariling kulungan.
Sana nga at baka isuplong
ka Roman ng iyong mga
kapitbahay sa mga
kinauukulan, tulad ng
Samahan Laban sa
Kalupitan sa mga Hayop.
Alam naman nating lahat
na kung minsan, ay mas
mahalaga pa ang kapakanan
ng isang hayop kaysa
isang taong nilalang.
“Mabuti naman at may bago
na namang pagkakalibangan
ang Tatay,” wika ni
Michael nang paalis na
ako. “Kaysa naman
inuman lang.”
Sana nga
ay malibang siya. Ayaw
kong isipin ang masaklap
na kapalarang naghihintay
sa mga itik kung sakaling
isang araw ay makita ni
Roman na kalbo ng lahat
ang kanyang mga alagang
gulay.
...Badik Castillo
|