Hiyas Ng Bulakan

Tahanan
Tungkol sa Amin
Makipag-Alam
Anong Bago!
Sumama na kayo
Pangasiwaan at Kaanib
Layunin
Ugnayan
Talaarawan ng Pangyayari

Ang Itik ni Roman – Ikalawang Kabanata

“Nadale ang itik ko”, malungkot na wika sa akin ni Roman nang muli ko siyang makita sa Commissary makalipas lamang ang ilang araw na siya ay nakabalik sa pinapasukang Tanggapan matapos ang halos ay isang linggong pagkakaratay daw sa karamdaman.

“Anong nadale?” may halong pagkabigla ang aking tanong. Napakunot-noo ako sa hindi inaasahang narinig. Bigla akong kinabahan. Mabilis na pumasok sa isip ko ang mga sari-saring larawan na maaaring mangyaring malagim sa kanyang mga alaga. Ganoon pa man ay mabilis din naman akong nahimasmasan.

“Kinatay mo na nga ba talaga?” ang mabilis at pabiro kong tanong.

Kinalimutan muna ni Roman ang paglalagay ng mga paninda sa salansanan, sabay buntung-hininga. Naku, totoo nga yata ang kutob ko. Diyos na maawain, huwag po naman sana!

“Napasok yata ng pusa ang kulungan, at napatay nga yung dalawa sa tatlo kong itik.Yung isa e natangay subalit ‘yung babae ay naiwan...pero patay at sugatan din,”paliwanag ni Roman. Hindi ako makapaniwala sa aking nadinig. Samut-samot na namang malagim na pangitain ang naglaro sa isip ko.

“Nakakatiyak ka bang pusa ang nakadale sa mga alaga mo?” usisa ko. Aba, e hindi naman ibong-pipit ang mga ito, nais kong idugtong subalit hindi ko na itinuloy.

“E wala namang musang dito, e di pusa nga talaga”, paniniyak ni Roman. Nakaguhit sa kanyang mukha ang pagkalumbay sa nangyari. “Sabi pa naman ng anak ko na si Michael, na magandang padamihin ang mga ito.”

“E paanong nangyari yan e samantalang malalaki pa sa pusa ang mga itik mo?” daig ko pa ang isang taga-usig sa hukuman.

“At saka sa pinanggalingan nilang bahay ay malaya silang nakakagala, at may pusa din yung may alaga sa kanila.” Hindi ako nag-aalinlangan a kay Roman, hindi ko nga lamang tunay na mawari kung paano mapapatay ng isang pusa ang mga itik na mga mistulang higante sa laki, bukod pa sa matatalim ang kanilang mga tuka. Tiyak ding duguan ang ano, o sino mang hayup na dumukot o pumaslang sa mga kawawang alaga ni Roman.

“Nabutas yung pamakod at tiyak kong nasukol sa loob yung mga itik at hindi na nakuhang tumakbo.” O makalipad, nais kong idugtong, dahil nga pinutalan ng pakpak. Ayan na nga ba ang kinakatakutan ko! Huwag lang sanang makarating sa mga may-kapangyarihan ang nangyari. O sa dating may ari sa kanila! Araw araw pa naman ay nakikita ko siya sa kapihan at lagi akong tinatanong tungkol sa kalagayan ng kanyang mga kahayupan (mga alagang hayup po, nais ko po lamang linawin!) na ipinasa sa iba. Kahayupan ni Roman! Iyan pa naman ang naiisip ko na nakasulat balang araw sa isang malaking karatula at nakasabit sa harapan ng bahay ni Roman.  Kahayupan ni Romannagbebenta ng mga itik na sayad hanggang lupa ang puwit, mga asong pangkaldereta, mga pusang lampong, atbp. Bukas araw-araw. Bumubulog din po at kumakasta.  Di po ba, tunay na kakaiba at kapansin-pansin?

Ano kaya ang gagawin ni Roman sa natirang itik na lalaki?  Hindi naman maaaring padamihin dahil nagiisa. Hindi naman maaaring isabong. Ang aking ginugunita na makita si Roman na nagpapastol ng mga itik sa Ilog Danubyo ay biglang naging isang mabahong bangungot. Napalitan ito ng kanyang larawan na nakikipagtagayan sa mga kaibigan. Makintab ang mga nguso sa mantika. Sa isang malaking pinggan ay naroon ang umuusok na kalderetang itik. Matagal daw pinakuluan dahil kung baga sa isang manok, ito ay isang tandang na natalo sa sabong. Makunat!

“O, ibig mo bang magkaldereta ako ng itik sa ating salu-salo sa Biyernes, para kay Pining?” singit na tanong sa akin ni Roman. Para akong biglang naalimpungatan sa narinig.

“Ha, talaga bang balak mong katayin yung natirang itik?” ang nabigkas kong tanong sa pagkabigla.

Aba nama’y hindi ko kayang gawin, mga alaga ko ‘yon,” paniniyak ni Roman. “Ibig kong sabihin ay bibili ako dito sa Commisary kung ibig ninyo,” dugtong pa niya.

Salamat na lamang ang tangi kong nasabi. Sariwa pang lubos sa aking ala-ala ang nangyari. Ilang araw ko din namang iiwasan na makabangga sa kapihan ang taong nagbigay sa amin ng mga kawawang itik. Kung sakali man ay may nakahanda na akong sagot hinggil sa kalagayan ng kanyang mga alagang hayup.

“Ayun, matataba na”. Yung mga nakatikim…kung alam mo lamang!

Pagpalain ako ng Maykapal!

...Badik Castillo

 
 
 
 
 
 
 
 

Tunay na pagaari ng gumawa © 2007, Hiyas Ng Bulakan