Hiyas Ng Bulakan

Tahanan
Tungkol sa Amin
Makipag-Alam
Anong Bago!
Sumama na kayo
Pangasiwaan at Kaanib
Layunin
Ugnayan
Talaarawan ng Pangyayari

Ang Simula ng Pagtitipon

 

Halos ika walo na ng gabi at ako ay tarantang taranta. May hinihintay akong panauhin para sa hapunan nang gabing iyon at hindi pa ako tapos sa mga dapat kong gawin. Kasalanan ko. Kung bakit kasi sumama pa akong manuod ng sine kay Cindy at Loreta – dalawang kasamahan sa United Nations. Huli na nga kami kung kaya hindi namin naabutan ang simula. Nakatulog pa ako. Lagpas na ng ika anim ng gabi nang matapos ang pelikula. Bumubuhos pa ang ulan nang kami ay lumabas ng sinehan at wala akong dalang payong, subalit hindi ako makakapaghintay na humupa ang ulan. Kailangan kong umuwi na. Hala, takbo. Mahihiya si Vilma Santos sa kanyang pelikulang Vilma, Takbo, Dali nang sugurin ko ang nangangalit na kalikasan. Si Vilma ay mukhang basang sisiw nang sa wakas ay may humintong taxi. Isang gastos na namang hindi kasali sa aking laang-gugulin para sa buwang kasalukuyan. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula ng gagawin. Hinahon lang sabi ko sa aking sarili. Nang biglang tumunog ang telepono. Damputin ko ba?. Ayaw tumigil. Sino na naman kayang kumag na magaling ang tumatawag sa panahong ayaw kong maabala. Ayaw tumigil ang pagtunog. Inis man ay sinagot ko na rin. Si Pining –ang kalihim at ingat-yaman ng aming bagong tatag na samahan ng mga katutubong Bulakenyo –ang Hiyas ng Bulakan. Ang mga kasapi ng aming bagong kapisanan ay mayroong pagtitipong gagawin kinabukasan. Ang salaping nalikom ni Pining mula sa mga kasapi ng kapisanan at handang gugulin sa handaan ay hawak ni Edgar – isang kasapi na taga Nueva Ecija. Ang lola daw niya ay taal na taga Baliwag kung kaya siya din daw ay hiyas ng Bulakan. Sana nga! Siya din ang naatasang mamili ng lulutuin. Marami siyang mungkahi.

“O bakit ka natawag?” ang nagmamadali kong tanong.

“Naku, si Edgar…” ang bungad na salita ni Pining. “Nakita namin sa rotunda pasado ala siete ng gabi. Nang itanong kung nasaan ang pinamili nya, ay parang nagmamalaki pang sinabi na hindi siya ang tipo ng taong namimili!”

Isang malakas na “Ha?” lang ang aking nasabi sa aking pagkabigla.

“Huwag ka na lang kumibo. Marahil ay may dating na naman“, dugtong pa ni Pining na tumatawa man ay hindi maitago ang pagka-inis. “Wala daw lumapit sa kanya sa Commissary.”

“Nahihibang ba siya?” tanong ko. “Nagkita kami kangina sa Commi at pinakita ko pa sa kanya ang ang puting alak na dapat n’yang bilhin!” Abot-langit na ang taas ng boses ko sa ngitngit. “At nasa kanya ang pera at listahan ng bibilhin,” dugtong ko pa.

“Siya lang daw ang taga-tago ng pera. Ibinigay sa akin at tayo na lang ang mamili. Pabayaan na lang natin siya at magsilbing aral na sa atin yan. Hindi talaga maiiwasan ang mga ganyang pangyayari sa bawat samahan. Laging may balakid”, parang pampalubag loob na paliwanag ni Pining.

“Tanggalin ang balakid”, ang madiin at mabilis kong sagot.

“Tumahimik na lang tayo subalit hindi tayo bibili ng nais nyang kainin. Pag dumating siya ay kainin nya kung ano ang nabili natin. Bilhin nating lahat ang ayaw nya!“ sabay halakhak ni Pining sa kanyang mungkahi.

“At ang dami pa niyang nais. May tupa, may isda...Tupahin niya ang puwit niya”, dagdag ko.

Ituloy na lang daw ang sagot ni Pining nang itanong ko kung ipagpaliban na lamang sa ibang araw ang pagtitipon. Magtawagan na lamang daw kami kinabukasan kung paano at kung saan kami mamimili. Tinawagan ako kinabukasan ni Loui upang itanong kung nakausap ko na si Pining. Si Loui ay isang taga Aklan na ampon ng aming Kapisanan dahil siya ang nagmungkahi, at masigasig na taga-sulsol, na magtayo kami ng samahan ng mga Bulakenyo sa VIC.

Mga Panauhin at mga Kasapi

Magaling mag-Tagalog si Loui. Tagalog Balarila. Siya ang kadalasang nagsasalin sa Tagalog ng mga salitang banyaga.

Tulad ng Public Relations, ito ngayon ay tumutugon na sa tawag na Kabit-Publiko o Kabit ng Bayan. Si Kabayang Bodjie Aguirre ang may hawak ng tanggapang ito dahil sa galing niya sa pakikibagay, kung ano man ang nais sabihin nito.

Si Cindy ang pangulo, o Unang Hiyas, ng kapisanan. Apo siya sa tuhod ni Pio Valenzuela, isang bayani ng Pilipinas, na kung kangino ang bayang Valenzuela ay ipinangalan.
 

Si Pining ay isa pang hiyas na may katungkulang Kalihim at Ingat-Yaman. Si Zaldy ang unang iminungkahing maging Ingat-Yaman subalit ayon kay Loui na siya namang nahalal na Silip-Yaman, ay mas angkop daw kay Zaldy ang katungkulang Ingatan ang Yaman. Sa mga hindi nakakaalam ng libangan ni Zaldy, huwag na po ninyong sikaping malaman.

Laging handang sumundo at maghatid ang papel naman ni Henry kung kaya siya ang nahirang na Taga-Sundot, e Taga-Sundo’t-Hatid pala - ipagpaumanhin ninyo - ng kapisanan. Lagi ninyo siyang maaasahan. Kung sakali at kakailanganin ninyo na kayo ay paglingkuran ni Henry, tumawag lamang po kayo sa aming Tanggapan. Lagi ninyong alalahanin, kaligayahan ninyo ang kanyang tanging mithi. Isang maligayang paglalakbay naman mula sa aming lahat na bumubuo ng Hiyas ng Bulakan ang aming hatid sa inyong lahat.

Mahalaga para sa aming samahan ang malusog na pagkatao ng bawat kasapi ng aming samahan kung kaya’t huwag kayong magtaka kung malaman ninyo na may Kalihim kami ng Kalusugan. Ito ay walang iba kung hindi si Mang Roman na mahilig at magaling magluto, lalung-lalo na ng mga katutubong pagkain ng Bulakan. Isa na rito ang kanyang bantog na Sitsarong Baliwag. Kain na! O, yung sawsawang suka na may bawang at sili, huwag kalimutan, hane?

Si Godo na tumutugon din sa palayaw na God, o sa Tagalog ay Maykapal, ang siya namang nakakaalam sa aming websayt. Hindi man tagalog ang tunog ay pangsamantala muna naming gagamitin ang salitang websayt hanggang makaisip tayo ng karapat-dapat at naaangkop na panghalip.

Si Edgar ang pang-gulo sa kapisanan. Tulad ng marami nating kakilala, kasapi siya sa lahat ng Samahang Pilipino sa Vienna. Siya ang Kalihim ng Kabuhayan o Taga-Pamili, kaya nga lamang, ayon sa kanya, ay hindi nga siya ang uri ng tao na namimili. Ipagpaumanhin po ninyo subalit hindi natin dapat kalimutan na mas maraming mahalagang bagay ang ginagampanan ng ating Kalihim ng Kabuhayan, ang pamimili ay hindi kasali. Ano nga ang ibang pangalan ng Kalihim ng Kabuhayan? Ayon kay Loui, Taga-kikil, taga-kotong. Si Edgar, mangingikil, taga-kotong? Saang pasada?

Ganoon pa man, natuloy din ang pagtitipon at salu-salo ng Hiyas ng Bulakan. Wala nga lang inihaw na anak ng tupa (lamb). Anak ng Tupa naman, pasalamat na nga at nakapamili pa kami ni Pining. Iminungkahi kong huwag na lang ituloy subalit ako din ang nahirang na tumawag sa bawat isa upang sabihing magtigil na lang sila sa bahay. Mas madali yata ang mamili na lang. Mabuti na lamang at may mga kaibigan ako na matinong kausap, umulan man at umaraw, nakahandang tumulong - patay man ang buwan, o kabilugan.

Sa wakas, nairaos din ang kasayahan! Sa Halamanan ni Walter, isang kaibigang Austriano na madalas magbakasyon sa Pilipinas. Siya daw ay Taga-Bulakan din, taga Plaridel, Nayon ng Banga.

Abalang abala ako sa paglikha ng maanghang na ensaladang pusit nang dumating si Pining. Ito ang naatasang maglinis ng dalawang kilong pakpak ng manok na binalot niya makaraan sa harina at budbod ng tinapay at pinirito sa kumukulong mantika. Si Godo o ang Maykapal ang sumunod na dumating at makailang sandali lamang ay nagmamadaling tumakbo sa Hofer upang bumili pa ng maraming serbesa. Maya-maya ay dumating naman si Cindy, kabuntot ang taga-kotong ng Hiyas, nababalot ng kasuutang kulay kahel ang buong katawan. Walang alinlangan, matutuwa sa iyo, Kalihim, ang Punongbayan ng Lunsod ng Maynila!

Ilang sandali pa lamang ay dumating na rin ang Kalihim ng Kalusugan, may bitbit na malaking supot na punung-puno ng tsitsarong Baliwag, o San Miguel ba?

Hindi naglaon ay dumating na rin ang ampon at Taga-Silip Yaman ng Hiyas. Nag-iisa. Mahuhuli daw ng ilang sandali ang kanyang Maybahay na si Lucille. Maybahay din ba ang dapat itawag kay Michael – ang anak ng Taga-Luto, e Kalihim pala ng Kalusugan, dahil ito ay may ari ng bahay? Subalit ito ay iba namang kasaysayan.

Laking mangha ng lahat nang dumating ang Kabit ng Bayan. Sinabi nito na siya ay darating subalit hindi kami lubos na umaasa. Hindi raw siya magtatagal dahil may inaasahan siyang mga panauhin sa kanilang bahay. Ganuon pa man ay nakihalubilo din siya nang matagal, hanggang dumapo ang dilim. Nalimutan ang dahilan kung bakit hindi siya dapat mag-tagal. Hindi nga ba’t ang sawikain ng Hiyas ay Samahan muna bago ang pamilya?

Kainan na!

Nagsimula na ang tagayan. Malutong ang halakhakan, kasing-lutong ng pampabatang tsitsarong baboy na uhaw na uhaw sa sukang may asin, sariwang sili at bawang. Nagsimula na ring mag-pabaga ng uling para sa iihawing laman ng baboy, soriso, at talong. Nagsimula na rin si Walter na pirituhin ang mga pakpak ng manok.

Dumating ang hipag ni Walter, kasama ang anak at apo. Naging abala sila sa pagtulong. Bilang ng bilang kung ilang pinggan, baso, atbp, ang kailangan. Mayroon pa raw bang darating, tanong ni Gerda – ang hipag ni Walter. Isa na lamang, sagot ko. Ang taga-sundo’t-hatid.

Hindi yata makakadalo si Elpie – ang Tagapagsalita ng Hiyas. Alam ko dahil nabanggit ng aking taga-linis ng bahay na tutungo pa siya sa pulung-pulong ng Love Flock sa hapon ding iyon. Aha! Kaya pala nais ipagpaliban ni Elpie ang aming sariling pagtitipon. Si Elpie ang Pinuno ng Kawan ng Pagibig (Love Flock). At ito din ang dahilan kung bakit daig pa ang ipu-ipo ng aking katuwang sa paglilinis ng bahay.

May isang dosenang pinggan si Walter subalit kinulang pa rin dahil sa hindi inaasahang bilang ng tao na dumating. Kailangang gumamit ang iba ng pinggang malukong. Tumawag si Henry at kasama daw niya ang kanyang maybahay at tatlong anak. Isama na lamang niya, sabi ko. Iyon nga lang, lalung naging abala ang hipag ni Walter: nagdagdag ng pinggan, ng kutsara, tinidor, baso, atbp. Naghakot din siya ng upuan na nakatago sa likod-bahay. Hala, linis, punas. Nakangiti pa rin, salamat na lang. Nasanay na kasi sila sa akin. Laging may panauhin na hindi inaasahan at hindi kabilang sa handang pagkain.

Tuloy ang Ligaya

Natapos ang masaganang salu-salo subalit tuloy pa rin ang inuman at halakhakan. Si Pining ay may dalang mga CDs ng mga awiting niluma na ng panahon. Mga awitin ni Ruben Tagalog, Cenon Lagman, Larry Miranda, Cely Bautista, atbp. Mga awiting nakapupukaw ng mga ala-ala, mga awiting nagsasaad ng hamo at hinagpis sa buhay, lalo na sa naunsyaming pagibig. Bawat himig ay naghatid sa bawat nakarinig sa kahapong nagdaan, nuong kanilang kabataan, na kung saan ang buhay ay tunay ngang payak, kulang sa mga bagay na ating tinatamasa ngayon, subalit hindi matutumbasan. Hindi maiwasan ng bawat naruon ang mapabuntong-hininga. Tunay na masarap alalahanin ang mga nakalipas na sandali na, dala ng ating kabataan, ay hindi binigyan ng dibdib-pansin. Subalit ngayon, kay sarap gunitain ang mga nakalipas. Ay, Nena...

...sa bahay ko

Bitbit ang mga inumin, nagtuloy kami sa aking bahay makalipas ang ika-sampu ng gabi. Maliban sa Kabit ng Bayan at sa mag-anak ni Henry na maagang umalis, ang lahat ay sumama upang ituloy ang ligaya hanggang sumapi ang ika-dalawa ng umaga. Isa na namang masayang pangyayaring gugunitain sa kinabukasan ng bawat saksi ng araw na iyon, mga saksing maaaring sa pagdating ng panahon ay mga panat na, giba na ang bakuran ng bibig, at uugud-ugod na. Subalit ganoon pa man ay naniniwala ako na may mga ngiti namang mamumutawi sa kanilang mga labi habang sinasalisim ang tamis ng kahapon –nuong bata pa si Sabel!

...Badik Castillo

 

 

 
 
 
 
 

Tunay na pagaari ng gumawa © 2007, Hiyas Ng Bulakan