Ang
Simula
Salamat
at nairaos din ng
maluwalhati ang Pista sa
Nayon sa Vienna, Austria
na ginanap nuong ika-14
ng Hulyo, 2007.
Maluwalhati para sa mga
pinuno at ilang kasapi ng
Hiyas ng Bulakan na
nagkaisang sumali
bagama’t kapos na sa
panahon upang puspusang
paghandaan ang mga dapat
isagawa para sa naturan
na pagdiriwang.
Salamat
din naman sa balikatang
ipinakita ng bawat kasapi
ng Hiyas ng Bulakan.
Iilan pa lamang ang mga
kasapi ng Samahan, at ang
iba ay nasa bakasyunan, o
kaya ay walang panahon na
makatulong, subalit hindi
ito naging hadlang upang
hindi matuloy ang
pakikibaka. Napakaraming
dapat gawin at hikahos na
nga sa panahon subalit
hala, bira…napasubo na e!
Ituloy na lang.
Dahil
sa Isang Gitarista…
Mantakin
mo, tatlong araw bago
dumating ang araw ng pagdiriwang ay nuon pa
lamang kami nagsimulang
magsanay ng aming handog
na awitin. Harana
sana ang aming balak
subalit ang maghaharana
at ang haharanahin ay
kung bakit naisipang
magsara ng kubo sa araw
pa naman na kailangan
namin sila –si Aling
Melania at ang kanyang
kabiyak ng puso at
gitarista na Si Zardy –taga
Malolos.
Dahil sa isang gitarista,
naunsyami ang harana.
“Wala
tayong gitarista”
sabi sa akin ni Cindy,
ang aming
Pangulo.
“Aalis patungong
Croatia ang mag-asawang
Melanie at Zardy dahil
kaarawan ni Zardy sa
ika-14 ng Hulyo”.
“Hindi ba alam mong
kaarawan ni Zardy nang
araw na
‘yon, e bakit ka
sumang-ayon na sasali
kayo? Nabitin tuloy tayo”
paninita ko kay Melanie
nang magkaharap kami sa
kapihan.
“Iyon
na nga e”, ang tangi
niyang nasabi na may
kasamang ngiting ngiwi,
sabay dukot ng 20 Euro
mula sa
kanyang pitaka.
Tulong
daw niya sa amin.
Tanggapin daw ba, tanong
sa akin ni Cindy.
“Tanggapin!” ang
mabilis kong sagot.
Dinagdagan pa ng isa pang
20 Euro, para naman daw
mula kay Zardy at upang
matigil na ako sa
pamumudhi sa kaya. Ayaw
pa sana ni Cindy subalit
mabilis ako sa
pagtanggap. “Ineng,
kailangan natin yan”,
paliwanag ko. Mainam
palang pamudhiin ang
Melania. Sige,
pumaltos ka pa sa
susunod!
Kaya nang
dumating ang Abdul upang
kami ay sanayin sa aming
napiling awit ay hindi
niya maikubli ang
kaunting pagkabigo.
“Paano na
yan? Wala ba kayong
makukuhang iba pa upang
mag-gitara?”
tanong
niya. Sinabayan na lamang
namin sa pag-awit ang
Mabuhay Singers.
Sa CD, ano
pa! Ako ang Nagtanim
at nagbayo at nagsaing,
subali’t nang maluto ay
iba ang kumain.”Maganda
naman ang kinalabasan.
Isang
oras lang kami
nag-ensayo. Sabi nga ay
sapat na ‘yan para
humarap sa digmaan.
Dumating si Thelma, si
Pining, at si Cindy.
Nakisanay si Loui at si
Godo, kahit hindi sila
makakadalo sa araw ng
pagdiriwang. O di ba,
iyan ang aming samahan.
Kasama lagi ang bawat
isa… kahit nga lamang ba
sa damdamin. Nagbibigay
din naman ng sigla, kahit
paano. Irog ko bakit
ako’y nilimot mo, di ba
pangako mo’y hindi
magbabago…
Ang Handa
Nagkukumahog kami sa
pag-uwi nang Biyernes ng
hapon upang simulan na
ang paghahanda ng mga
lulutuin para sa pista:
Pospas, ginatang mais,
turon na saging, palitaw.
Inihatid kami ni
God sa bahay dahil sa
dami ng aming bitbitin.
Di naglaon ay bumalik
siya upang dalhin ang
kinudkod na niyog ng
kanyang maybahay na si
Stella. Pitong niyog,
Diyos na maawain!
Kinudkod niyang mag-isa!
Nagbigay pa ng linga
dahil, tulad ng niyog, ay
nakaligtaan ko rin itong
bilhin.
Maraming
salamat, Stella. Tunay na
mapalad sa iyo si God.
Gayun din ang
Hiyas ng Bulakan, mapalad
din.
Katulong
ni Pining si Lin Bernardo
–kapitbahay ko – at si
God sa pag-gawa ng turon.
Halos ay hating-gabi na
nang sila ay matapos.
Nagsukat pa si Pining ng
isusuot na katutubong
damit. Hindi makapagpasiya kung siya
ba ay magtatapis,
magbabarong-tagalog o
magki-kimona. Baka daw
malaglag ang tapis. Para
bang isang mabigat na
suliranin na hindi
malulutas. E di lagyan
mo ng perdible, tapos ang
kwento!
Bago
sumapit ang ika-anim ng
umaga ay gising na kami
ni Pining at nagluluto
na. Ako, nang aking
pospas, ginatang mais, at
palitaw. Isang katerba.
Si Pining, nang kanyang
turon na saging. Naku,
ayaw lumutong! Nabasa
kasi sa katas ng saging
ang uhaw na balat ng
lumpyang pinambalot.
Nasayang ang saging ni
Pacing, e ni Pining pala,
ibig kong sabihin. Ang
malutong sanang turon ay
naging malatang maruya.
Kasama
si Edgar na nagluto ng
tinumis, maagang nagtungo
si Bodjie sa pagdarausan
ng Pista upang itayo ang
kubol na gagamitin.
Talagang maligalig ang
aming Kalihim ng
Kabuhayan na si Edgar.
Naruong pasundo kay
Cindy, naruong kay Bodjie.
At muntik pa ngang
nagbago ang isip ni Edgar
nang sabihin ni Cindy na
hindi niya ito masusundo
dahil kami ni Pining ay
susunduin din niya. Hindi
yata naibigan ng Edgar
ang binanggit ni Cindy
kaya sinabi nitong baka
hindi na niya maluto ang
dinuguan. Bago pa lamang
diumano tumilaok ang
manok ay nasa palengke na
yata siya sa paghahanap
ng dugo. Kaya tumahimik
na lamang ang pobreng
Unang Ginang ng Hiyas at
baka tumaas pa ang
presyon ng kanyang
sariling
dugo. Masarap
naman ang kinalabasan ng
dinuguan ni Edgar. Sa totoo lang ay pinakyaw ko
ang natira. Hindi kasi
naubos dahil tumigas ang
putong katambal.
Araw
ng Pista
Nasa
katayugan na ang
naglalagablab na araw
nuong Sabadong iyon nang
sa wakas ay narating
namin ni God ang aming
tolda. Naligaw kami.
Hindi maipaliwanag ni God
kung paano kami
nakarating sa ibang bayan.
Baka namatanda ka, sabi
ko. Hindi naman daw.
Napataas nang kaunti ang
isa kong kilay. Sana
nga hindi! Salamat na
lamang at hindi natunaw
ang isang sakong yelo na
nahingi namin sa
McDonald’s sa tulong
ni Jesus na taga Baliwag.
Maraming salamat,
Jesus. Huwag mong iiwanan
ang McDo. Bukod sa
kanyang karaniwang
hanapbuhay, si Jesus ay
naninilbihan din sa
McDonald’s tuwing
Biyernes at Sabado ng
gabi
Maganda
ang toldang itinayo ni
Bodjie na nahiram niya
mula sa Nike.Talagang
mapapakinabangan at
maaasahan ang kanyang
pagka-Kalihim ng Ugnayan.
Naging suliranin kasi sa
simula kung saan kami
hahagilap ng tolda.
Mabuti na lamang at
maraming kaugnayan si
Bodjie. Dahil din sa
kanya at sa tulong ng iba
pa niyang mga kaugnayan
ay naitayo ng matiwasay
ang kubol ng Hiyas.
Talaga naman, kahit ano
pang ugnayan, si Bodjie
ay asahan. Tumpak
lamang at karapat-dapat
na siya ang maging
Kalihim ng Ugnayan ng
Hiyas.
Naruon na
si Gigi na taga Bocaue.
T umulong siya sa
pag-ayos ng aming kubol
upang ito ay maging
kaakit-akit. Kasama niya
si Lito –ang kanyang
kabiyak at mga magulang
nito, ang dalawang
kapatid na dalaga ng
kanyang biyenang lalaki –si
Nora at si Marietta Ramos
na mga kasamahan namin sa
Tangapan ng mga Bansang
Nagkakaisa (United
Nations), ang kanyang
tatlong taong gulang na
panganay na siyang naging
musa ng Hiyas, at ang
bunsong anak na anim na buwan pa lamang. Malaking
malasakit din naman ang
ginawa ng nasabing
mag-anak na maghapong
tumigil sa aming tolda,
hindi pinansin ang init
ng panahon.
Ang
Edgar, hindi ko mawari.
Artista ba o Pulitika?
Hala, lakad, kamay dito,
kamay doon. Namumuti siya.
Parang bagong dampot sa
kulahan. Sambalilong puti,
pantalong puti,
kamisadentrong puti,
sapatos na puti. Tuloy ay
lumuha pati ang mga
anghel –nanakawan kasi ng
eksena. Ikaw na ang
maging si Edgar!
Inabutan
din namin doon si Thelma
– isang masikap na taga-pagmasid ng Samahan,
si Cindy at si Pining.
Balikatan silang lahat sa
pag-aayos ng mga
panindang pagkain at mga
inumin. May biko,
sapin-sapin, tokwa’t
baboy, dinuguan at puto,
pospas na manok, ginatang
matamis na mais, palitaw,
sitsarong Baliwag na may
katambal na sukang may
sili at bawang. Bili
na kayo!
Hindi
naman nilangaw subalit
naging matumal ang tinda
nang dakong hapon na
dahil nagliliyab pa rin
ang init ng araw. Ganito
din naman ang naranasan
ng iba pang may mga
paninda. Mabili ang mga
inumin, lalo na ang
serbesa. Sapul na sapul
ng sikat ng araw ang
aming tolda kung kaya
upang hindi malantad sa
araw ay kung ilang ulit
inurong ni Bodjie sa
lilim ang mahabang hapag
na kinapapatungan ng mga
paninda
Ang
Parada
Pang-sampu ang aming
pangkat sa bilang ng mga
sumamang samahan sa
parada. Nagpapagandahan
ng kasuotan at
nagpapaligsahan sa sayaw
ang bawat kasali. Maganda
ang aming mga kababaihan
– nakasuot sila ng kimona
at saya. May sunong pa
silang bilaong may lamang
saging at kamote. Ang
aming mga kasaping
kalalakihan ay nagsuot
naman ng Barong Tagalog.
Nakakaaliw masdan ang
aming musmos na musa – si
Carmela na nakasuot ng
patadyong, at panay ang
kaway sa mga nanunuod na
panauhin.
Hindi
naglaon, pagkaatapos ng parada, ay tinawag na
kami sa
tanghalan upang iparinig
ang aming handog na
awitin.
Nahila namin si Jozel
–taga Obando at isang
Konsul
sa Embahada ng
Pilipinas sa Vienna.
Tulad ni Mang Roman, at
Ulysses na taga Obando
rin, hindi nakasali si
Jozel sa
pagsasanay ng
aming handang awit,
subali’t hindi siya
nag-atubili na samahan
kami sa tanghalan.
Kahanga-hanga ka Jozel,
kahanga-hanga kayong
lahat, mga kabayang
Bulakenyo. Nakakataba ng
puso na mabilang na isa
sa inyo. Hindi rin
nakasama sa aming
pagtatanghal ang aming
Kalihim ng Ugnayan.
Paos pa rin ang
kanyang tinig. Sabagay,
mayroon pa naman ibang
pagkakataong darating.
Dahil ayaw naming abutan ng
sibsib, maaga kaming
nagsara ng tindahan.
Balikatan muli sa
pagliligpit. Malinis
naming iniwan ang
pinagtayuan ng kubol. Si
Bodjie ang nagtayo, si
Bodjie din ang naglansag.
Laking ginhawa para sa
kanyang mga kasama.
Naiwan kami nina Cindy at
Pining. Sasalunuin kami
ni God – isang pang
kasapi na walang pagod at
daing sa pagtulong. Ang
lahat ng ito ay para sa
tagumpay ng Hiyas ng
Bulakan. Mabuhay at
hanggang susunod na
pagsasama, mga Kabayan.
...Badik Castillo
|