“Mga
ika-anim ng gabi tayo
umalis patungo sa bahay
ko, matapos ang ating
gawain sa tanggapan”,
ang wika ni Fiona, isang
kaibigan at kasamahan sa
trabaho, nang inanyayahan
kaming maghapunan sa
kanyang tirahan nuong
nakaraang Biyernes.
Matagal na rin niya
kaming nais anyayahang
muli dahil matagal na rin
naman nang huli kaming
magkasalu-salo sa kanyang
tahanan. Isang magandang
pagkakataon na rin upang
ipagdiwang namin ang
nakaraan niyang kaarawan
na naganap nuong ika-4 ng
Septyembre.
“Ano,
di ba magluluto pa tayo?”
ang aking bulalas na may
kahalong pagkabigla dahil
sa hindi inaasahang
narinig. “Baka tayo
abutin ng sibsib,”
dagdag ko pa. Ako naman
kasi ang nagmungkahi na
kaming mga kaibigan na
lamang niya ang magluluto.
Nuon kasing huling
handaan niya ay namili
lamang siya ng mga lutong
pagkain. Dalawang uri ng
ispageti ang kanyang
inihain, kasama ang
ensaladang gulay na yari
na rin niyang nabili.
Sarap na sarap si Paul –ang
kaibigang kong Amerikano.
“Fiona,
ang sarap daw ng ispageti
mo, sabi ni Paul,”
pagmamalaki kong balita
kay Fiona.
“Salamat, nahirapan nga
ako,” dugtong pa niya.
“Kasi naman ay mabigat
ding bitbitin.”
Napakunot-noo kaming mga
Pilipinong panauhin sa
kanyang sinabi.
“Binili
ko na silang luto, e
malayu-layo din naman
yung nilakad ko mula sa
binilihan ko”,
seryosong paliwanang ni
Fiona sa amin. “Yung
ensalada naman ay sa
McDonald’s ko pa binili”
may pagmamalaki pa niyang
pahabol. Muntik na akong
mabulunan ng ispageting
isinubo ko. Nais pa sana
niyang isalin sa salitang
Ingles ang kanyang sinabi
para sa kapakanan ni Paul
subalit pinigilan ko na
lamang siya.
“Tumahimik ka na lang,
Nora Daza!” mabilis
at patay malisya kong
hadlang. “Huwag mong
sirain ang paghanga sa
iyo ni Pablo,” sabay
tungga ng alak upang
lumuwag-luwag ang aking
paghinga dahil hindi ko
napigilan ang mahirinan.
Ngayon
ngang naanyayahan kaming
muli ay iminungkahi ko sa
kanya na kami na lamang
ang magluluto. Aminado
naman si Fiona na hindi
siya mahilig sa pagluluto.
Tuwang tuwa naman siya sa
aking pagmamagandang loob
subalit nagbabala siya
agad na simple lamang ang
mga rekado niya sa bahay.
Asin lamang daw at
paminta ang mayroon siya.
Sandok lang ang kailangan
ko, nais kong sabihin sa
kanya. Gagawa kami ng
himala.
At
nangyari nga ang himala!
Si
Teresita, isang panauhin,
ay naghahanap ng suka
para sa kanyang gagawing
ginataang adobo.
Tinawagan ko kasi siya sa
telepono at sinabi kong
kami ang magluluto sa
kakainin namin.
“Tinamaan…” ang
tanging nasabi ni
Teresita at sabay
halakhak ng malutong.
“Hindi bale, sige, gagawa
ako ng adobo. Ako na lang
ang bibili ng mga sangkap,”
dugtong pa niya. Dala
naman niya ang manok na
hiwa-hiwa na, nilinis na
raw niyang mabuti. May
dala din siyang gata ng
niyog at luya. Hindi
kasama sa mga sangkap
niyang dala ang suka
dahil inisip niyang may
suka naman marahil ang
may kaarawan.
“Herbal
lang ang suka ko,”
paliwanang ni Fiona.
“Hindi maaari, kailangan
ko ng talagang suka,”
sagot ni Teresita. E wala
nga siyang totoong suka
ano? paalala ko sa hindi
makapaniwalang Teresita
sa kanyang narinig. Sige
na lang daw. Naghanap ng
pamintang itim. Wala din
daw. Puti lamang ang
mayroon siya. Pulbos pa.
Naghanap ng dikdikan,
wala din. May sili ba? E
lalong wala dahil hindi
mahilig sa maanghang ang
may kaarawan. Paumanhin
lang ang mayroon siya.
Hindi bale na lang, sabi
ni Teresita. Tabasco,
meron? Panginoong
mahabagin, Teresita, taga
Quezon si Fiona, hindi
siya Bicolana! Si Lorna*
‘yon. Ang anak ng Mayon.
Isang malalim na
buntong-hininga ang
sumunod kong narinig.
“Ano
yang kumukulong kulay
asul sa kaldero?”
magkasabay naming tanong
ni Teresita habang ang
mga tingin ay nakatutok
sa kalan.
“Sabon,” tugon ni
Fiona, upang hindi daw
bumaho ang kanyang kusina.
Inang ko, lalasunin mo
kami. Ang adobo
maglalasang heno de
pravia! Tanggalin,
ang aming samo. Masama
man ang loob ay napilitan
ding sumunod ang kawawang
may-handa. Maganda kasi
ang pagkaka-ayos ng
tahanan ni Fiona. Puti at
ginintuan ang kulay sa
karamihan ng kanyang mga
gamit at abubot –larawan
ng isang maliit subalit
marangyang tahanan ni
Elisabeth, reyna ng
Inglatera. Isipin kung
paano!
“Fiona,
kailangan kong linisin
ang mga hipon. Bigyan mo
ako ng gunting”, sabi
ko. Himala, mayroon naman.
Pingas nga lang ang isang
hawakan. Naku, si Ineng
naman. Katataas pa naman
ng kanyang ranggo sa
pinapasukan. Sa United
Nations pa mandin!
May gurlis pa nga
hanggang ngayon ang aking
mga daliri dahil sa
kabiyak na gunting. A,
mabuti naman! Alam ko na
ang dapat kong ihandog sa
kanyang susunod na
kaarawan. Mga gamit sa
kusina. Nais pa naman
niyang ituro na lang
namin sa kanya ang
lulutuin dahil ibig
niyang matuto ng
pagluluto, subalit
nangamba naman kami na
mamuti ang mga mata namin
sa gutom sa kahihintay na
matapos siyang magluto.
Ineng, nais kong sabihin,
sa iba na lang
pagkakataon pag marami
tayong panahon. Sa ngayon
ay may mga tiyang
nanganganib na mabutas.
Maghugas ka na lang muna
ng mga kaldero, kawali at
mga pinggan. Saka ka na
lang namin tuturuan.
Baka sa susunod na buhay!
Nailigtas
din ang ginataang adobo
sa kapariwaraan nang
tumawag si Milagros* –isang
pang panahuhin –upang
ipaalam na siya daw ay
nasa pamilihan pa sa UN.
Nagbilin ako ng tunay na
suka, pamintang itim, at
tabasco. “Bilhin mo na
lang, ‘wag ka nang
magtanong,” utos ko.
Alam kong naguguluhan si
Milagros sa narinig at
nais pa niyang malaman
ang dahilan subalit kapos
na kami sa panahon at
ayaw kong sayangin sa
pagpapaliwanag na hindi
naman niya agad
mauunawaan. Saka na lang,
pagdating niya.
At salamat
sa Himala, nakaraos din
kami ng hapunan. May
isdang niluto sa pugon,
may hipon –na siyang
dahilan kung bakit
sugatan ang aking mga
daliri na kumikirot pag
nasawsaw sa maasim at
maalat, may ginataang
adobo na hinaluan ng
malapit nang matuyot na
sigarilyas na natagpuan
sa palamigan ni Fiona,
kasama ng inaamag na
okra. Sayang daw kaya
isinama na lamang sa
adobo. Isang malaking
hiwaga para sa akin kung
bakit hindi makahinga ang
palamigan ni Fiona sa
dami ng laman samantalang
hindi naman daw siya
nagluluto. At ang okra,
bakit kailangan laging
bumili siya ng okra? Para
ano kung pababayaan
lamang na amagin? Bakit?
Huwag na
kasing magtanong.
Mahiwaga talaga ang buhay
ng tao!
Hindi
nagtagal at umuwi na kami.
Hindi kasi matigil sa
kalilinis ng kusina si
Fiona. Halos hindi na
makausap. Pabayaan lang
daw namin siya dahil
hindi raw siya
makakatulog hanggang
hindi malinis at maayos
ang kanyang kusina. Hindi
ka nag-iisa sa ganyan!
Marami kang katulad, mga
alipin ng tahanan,
subalit iba ang gabing
ito! Narito kami.
Makipagsaya ka! Malay mo,
baka bukas hindi na tayo
magkita? Alam namin,
himala ang bawat bukas na
darating dahil hindi tayo
nakatitiyak na magigisnan
pa natin. Ngunit bukas pa
‘yon. Di ba mas mahalaga
ang kasalukuyan? A di na
bale, sa susunod
magdadala na lamang kami
ng taga-linis, makapiling
ka lamang namin ng
matagal. Bayad ka nga
lang!
*Hindi
tunay na pangalan
...Badik Castillo
|